WHO, muling  ipinaalala ang masamang idudulot nang labis na pagkonsumo ng asin

Muling  nagpaalala  ang  World Health Organization (WHO)  sa mga epekto ng labis na pagkonsumo ng asin sa kalusugan.

Batay sa report ng WHO, halos siyam hanggang 12 gramo ng asin ang kinokonsumo ng mga tao, doble sa iminumungkahing lebel ng paggamit nito.

Sabi ng WHO, ang  malabis na pagkonsumo ng asin at kakulangan ng potassium sa katawan ay maaaring  maging sanhi ng  mataas na blood pressure.

Bukod dito, maaaring  tumaas ang panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.

Ayon pa sa WHO, tinatayang 2.5 milyong kaso ng kamatayan ang maiiwasan sa bawat  taon kung ibababa  ang pagkonsumo ng asin sa dapat na lebel nito.

Itinuturing na malaki ang impluwensya ng mataas na produksyon ng mga processed foods tulad  ng  de lata, chichirya, sawsawan at instant noodles na tinatangkilik ng karamihan.

Binibigyang diin ng  organisasyon, na kalahating kutsarita lamang  ang dapat na ikunsumo  ng mga nakatatanda, habang depende sa enerhiyang kailangan ng katawan naman ang sa mga bata.

Dagdag pa ng WHO,  mas mainam umanong iodized salt ang ikunsumo dahil nakatutulong umano ito sa pag-develop ng utak ng mga bata, gayundin sa mental function ng mga tao.

Itinuturing na isang mahalagang komponent sa katawan ang sodium na present sa mga asin, ngunit  dapat ding tandaan na ang malabis na pagkunsumo nito ay  maaaring magdulot ng pinsala sa kalusugan.

 

Ulat ni Belle Surara

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *