World Bank, inaprubahan ang $12 billion para sa Covid-19 vaccines
Inihayag ng World Bank, na inaprubahan nila ang $12 billion para sa developing countries upang pondohan ang pambili at pamamahagi ng Covid-19 vaccines, tests at treatment.
Ayon sa pahayag ng World Bank, layon nitong suportahan ang pagbabakuna ng hanggang sa isang bilyong katao.
Ang salapi na bahagi ng pangkalahatang package ng World Bank Group (WBG) na aabot sa $160 billion hanggang sa June 2021, ay nakadisenyo para tulungan ang developing countries sa paglaban sa novel coronavirus pandemic.
Sinabi ni World Bank Group President David Malpass, na ang pagkakaroon ng ligtas at epektibong bakuna at pinalakas na sistema ng distribusyon nito, ang susi para baguhin ang direksyon ng pandemya at tulungan ang mga bansang nakararanas ng epekto nito sa ekonomiya at pananalapi, upang makabawi.
Ang pag-apruba sa naturang halaga ay inaasahan na, dahil inanunsyo ni Malpass ang proyekto sa huling bahagi ng nakalipas na buwan ng Setyembre.
Tinukoy pa ni Malpass sa isang panayam na bagamat wala pa sa merkado, mahalagang paghandaan na ito dahil sa komplikadong proseso ng distribusyon ng bakuna.
© Agence France-Presse