World Bank, tutulong sa Pilipinas para gawing digital ang mga serbisyo at gawing moderno ang burokrasya – DOF
Susuportahan ng World Bank ang mga programa ng gobyerno ng Pilipinas para gawing digital ang mga serbisyo at gawing moderno ang burukrasya, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
Sa isang press release na inilabas ng Department of Finance (DOF) ay sinabi ni Diokno, “I am very pleased to hear of the World Bank’s willingness to extend support for further digitalizing our revenue agencies and modernizing civil service in line with the President’s goal of rightsizing the bureaucracy.”
Una na rin itong inihayag ni Diokno sa kaniyang tweet noong August 1, pagkatapos ng courtesy call meeting niya sa World Bank Group Country Director na si Ndiame Diop.
Sinabi ng DOF chief, na nilalayon niyang i-digitalize ang kalahati ng lahat ng retail payments at ilahok ang 70 porsiyento ng adult population sa formal financial system sa 2023. Ito rin ang layunin niya noong siya pa ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) .
Nagpulong sina Diokno at Diop upang talakayin ang alignment at pagpapalawak ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng World Bank batay sa socioeconomic priorities ng administrasyong Marcos.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ang digitalization ng mga serbisyo ng gobyerno ay isa sa kanyang mga pangunahing programa.
Sinabi pa ni PBBM, na binalak din niyang i-digitize ang “malaking rekord na nakaimbak sa mga bodega at archive ng gobyerno.”
Ayon sa DOF, “The Marcos administration is implementing a comprehensive 8-point socioeconomic agenda that includes measures to optimize digitalization in improving tax administration and broadening financial inclusion.”
Sa kasalukuyan, sinusuportahan na ng World Bank ang digitalization ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng USD 88.28 million financing para sa Philippine Customs Modernization Program.
Nakatuon ang proyekto sa paglipat mula sa manual at paper-based organization tungo sa isang mas modernong BOC, at makamit ang gloabal standards at full modernization pagdating ng 2024.
Hanggang noong Marso 2022, ang World Bank ang pangatlo sa pinakamalaking Official Development Assistance (ODA) partner ng bansa, na may mga loan at grant na humigit-kumulang USD 6.86 milyon o 23.38 porsiyento ng kabuuang ODA receipts ng bansa.
Ayon sa DOF, sinuportahan ng World Bank ang 68 program at project loan ng gobyerno sa huling tatlong administrasyon na nagkakahalaga ng kabuuang USD 14.9 bilyon.