World Food Day, ginunita; Nat’l Food Policy, isa sa inisyatibo ng gobyerno upang wakasan ang kagutuman sa bansa
Wakasan ang kagutuman sa Pilipinas para sa kapakanan ng susunod pang henerasyon…..
Ito ang pinakabuod ng mensahe sa paggunita ng World Food Day.
Ang aktibidad ay pinangungunahan ng Department of Agriculture kabilang sa naging panauhing pandangal sa nasabing okasyon ay si Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles.
Ayon kay Nograles, isa sa inisyatibo upang matuldukan ang kagutumang nararanasan ng bansa ay ang nilikhang National Food Policy (NFP).
Ang NFP ay produkto ng Task Force zero Hunger, na itinatag sa pamamagitan ng Executive Order no. 101.
Kasama sa NFP ang mga hakbangin para sa solusyunan ang kagutuman, pagkamit ng seguridad sa pagkain, pagpapabuti ng nutrisyon, at pagtataguyod ng Sustainable Agriculture.
CabSec Nograles:
“Patunay lamang sa patong patong na epekto ng Pandemyang Covid 19 sa estado ng kagutuman sa ating bansa…lalo na nung ipinatupad natin ang mga lockdown o Community Quarantine. Batid man natin darating ang problemang ito ramdam man natin ang bigat sa ating balikat tayo ay determinadong bumangon upang ibalangkas ang polisiya para pagtagumpayan ng bansa ang kagutuman”.
Sa panig naman ng DA , sinabi ni Secretary William Dar na ipinatutupad ng pamahalaan ang mga programang naglalayong labanan ang kahirapan at bawasan ang gutom sa ilalim ng whole of nations approach.
Nagsilbing tema ng pagdiriwang ng World Food Day sa taong ito ay “Grow, Nourish, Sustain together …our Actions are our Future“.
Kaugnay nito ay hinimok naman ng Food and Agriculture Organization (FAO) ang bawat bansa na magtulong-tulong upang makabangon sa nararanasang global health crisis dahil sa Covid Pandemic.
Belle Surara