‘World Tobacco Day” ipinagdiwang, smoke-free ordinance inilunsad sa Taguig City
Mas lalo pang palalawakin ang implementasyon ng Taguig City Ordinance No. 15, na lalong kilala sa tawag na “Comprehensive Smoke-Free Ordinance” sa lahat ng barangay sa lungsod.
Kaugnay ito sa pakikipagkaisa sa pagdiriwang ng “World No Tobacco Day,” na may temang “A Threat to Environment.” Kaya naman mas paiigtingin pa ang mahigpit na monitoring at paghuli sa mga lalabag ukol dito.
Katuwang ang City Market Management Office (CMMO), ang CITY Environment Natural Resources Office o CENTRO ang naatasang magmonitor sa mga signase na nag-e-endorso sa paggamit ng sigarilyo at pagtatanggal ng naturang signases sa local convenience stores. Maging ang pagbabaklas ng banners sa mga tindahan na may ganitong uri ng endorsement.
Samantala, magkasama naman ang City Public Transport Office at ang Tricycle Regulatory Officers, sa pagdidikit ng stickers na nagbababala na huwag manigarilyo sa loob ng pampublikong sasakyan gaya ng jeep at tricycles, na bumibiyahe sa Taguig.
Patuloy din ang pagpapalawak ng siyudad sa kampanya laban sa paninigarilyo, tungo sa inaasam upang maging smoke-free community ang Taguig City.
Report ni Virnalyn Amado