Xray machine sa Mindanao Container Terminal, maaari umanong magamit sa smuggling dahil mali ang puwesto
Kinumpirma ng Philippine Veterans Investment Development Corporation o Philvidec, na maaaring nasa maling puwesto ang mga xray machine sa Mindanao Container Terminal, kaya maaari umanong magamit sa smuggling.
Ayon kay Atty. Benjamin Medrano Cana, legal counsel ng Philvidec, nasa labas ng designated examination area ng terminal ang mga xray machine na ino-operate ng Golden Sun Cargo Examination Corporation, na pag-aari ng negosyanteng si Tony Yang, na kapatid ng dating presidential adviser na si Michael Yang.
Sinabi ni Cana, na nagsumite na sila ng position paper para mailipat ng puwesto ang xray machine batay sa clamor na ibalik ito sa loob ng daungan.
Nangako ang Philvidec sa mga senador na iimbestigahan ang isyu at ipaaalam sa kanilang mga board member na repasuhin ang kontrata ng kompanya ni Tony Yang.
Sa pagdinig ng Senado, hiningan ng paliwanag ng mga senador ang Philvidec kaugnay ng mga report hinggil sa umano’y mga ilegal na aktibidad ng Golden Sun ni Tony Yang, lalo na ang isyu ng smuggling, double handling, drugs, posibleng human trafficking at POGO related operations.
Ayon kay Cana, ipauubaya na nila sa mga awtoridad ang pag-iimbestiga laban sa Golden Sun.
Meanne Corvera