Zamboanga city, nananatili ang “No swab test, No entry” policy
Pinanatili ng Pamahalaang Panglungsod ng Zamboanga ang “no swab test, no entry” policy upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente laban sa mas nakahahawang Covid-19 Delta variant.
Paliwanag ni Dr. Dulce Amor Miravite, city health officer, na kahit pa kasi kumpleto na ang bakuna ay maaari pa ring tamaan ng virus.
Maliban dito, wala pa naman aniyang naitatag na centralized database system upang maberipika kung ang isang hoder ng vaccination card ay tunay na fully vaccinated.
Mahigpit na ipinatutupad ang polisiya sa Zamboanga city at Zamboanga del Norte habang ang Zamboanga del Sur naman ay nagrerequire ng e-Swift, at Smart Passage (S-PASS) sa mga papasok na biyahero at ang Zamboanga Sibugay naman ay nagrerequire ng medical certificate, travel authority at valid identification card (ID).
Nauna nang ipinahayag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na sapat na ang pagprisinta ng vacicnation cards upang makabiyahe at makapasok sa mga lalawigan sa ilalim ng Resolution No. 124-B.
Pero sinabi ng Department of Health (DOH) na nasa mga LGU pa rin ang pasya kung irerequire pa ang negative swab test sa mga bakunadong biyahero bago makapasok sa kanilang probinsiya.