Zoom Fatigue
Malaki ang epekto ng Covid-19 sa pamumuhay. Kailangang mag-adjust o magkaron ng switching between activities, gaya halimbawa mula sa traditional classroom setting naging online learning na ngayon.
Kung dati nagmamadali sa pagpasok ang karamihan, pero ngayon, mas pinaboran ang sistema ng work from home.
At lumalabas sa pag-aaral, umaabot na sa 300 M ang gumagamit ng zoom meeting araw-araw globally.
Ang palagiang paggamit ng virtual meetings ay may epekto sa ating mental health na tinatawag na Zoom Fatigue, alamin natin kung ano nga ba ang Zoom Fatigue o Zoombies.
Ayon kay Dr. Joan Mae Rifareal isang psychiatrist, totoong nakakapagod ang virtual platform lalo na kapag madalas ang mga meeting at matagal na nakatutok sa screen.
Sinabi din niya na nakaka-drain din ito ng energy. Pero hindi lang naman puro negative ang dulot ng online platform, ayon kay Dr. Joan nagagawa ng marami na ituloy ang kanilang trabaho gamit ang makabagong teknolohiya na ito, kumustahin ang mga kaibigan at mga katrabaho.
Pero paano nga ba nagkakaroon ng fatigue kapag laging naka-online? Paliwanag ni Dr. Joan, ayon sa pa-aaral mas nagtatrabaho ang ating brain during online. Bakit..?
Una, kapag naka-online ka ay nawawala ang mga non-verbal cues na bumubuo ng 70% ng ating communication. Ito ay nakatutulong para magkaroon ng spontaneity during face-to-face na di nagagawa kapag naka-online.
Ito rin ang dahilan kaya mas ginagamit natin ang ating isip para malaman kung ano ang totoong saloobin ng iyong kausap na di gaya ng face-to-face na agad mong nakikita.
Pangalawa, dahil sa adrenaline rush. During virtual meetings or online class, mas mataas ang adrenaline ng mga taong naka-join dito dahil kailangan laging naka-focus sa topic na dini-discuss.
At dahil walang nakikitang non-verbal cues, nakadepende ang mga onliner sa verbal discussion na nagpapataas sa adrenaline nito na ang resulta ay mabilis na pagkapagod o fatigue at pagtaas ng stress hormones.
Maari ding maging dahilan ang virtual platform ng frustration lalo na sa mga nag-aaral during technical problems. Naapektuhan ang kanilang cognitive process na sumisira sa kanilang attention, concentration at focus.
Paano naman natin maiiwasan ang Zoom Fatigue o ang pagiging Zoombies? Payo ni Dr. Joan na dapat magkaroon din ng break kapag ginagamit ang virtual platform.
Sa ganitong paraan ay mababawasan ang physical stress ng matagal ba pag-upo maging ang pagkakaroon ng wrong posture o tinatawag na “turtling” o pagkurba ng likod. Lalo na anya ang mga bata dahil mas maikli ang attention span ng mga ito.
Dagdag pa ni Dr. Joan na dapat mag-exercise in between virtual meetings o online class para maging maayos ang sirkulasyon ng dugo dahil makakatulong ito para manatiling matalas ang ating isip.
Mas makabubuti rin kung nakapatay ang camera ng inyong gadget kung ito ay papayagan upang maingatan ang mga mata. Mainam rin ito upang maiwasang maging conscious sa paningin ng ibang attendees ng meeting at maka drain sa mga taong mahiyain.
Makabubuti din aniya na malimitahan ang oras ng pag oonline upang maiwasan ang Zoom Fatigue. Payo ni doktora na makipag-usap ng maayos sa mga kinauukulan lalo na sa trabaho upang magkaroon pa ng oras para sa ibang gawain sa bahay.
Sa huli binigyang diin ni Dr. Joan na malaki ang naitutulong ng virtual platform para sa maraming tao lalo na sa mga nagtatrabaho at nag-aaral, ngunit hindi pa rin dapat kalimutang bantayan ang ating kalusugan at bigyan ng tamang break ang sarili.
Importante pa rin na magkaroon ng boundary ang paggamit ng mga online platform at magkaroon ng me-time at family time. Sa ganitong paraan ay makaiiwas tayo sa mabilis na pagkapagod o fatigue at maging biktima ng Zoom Fatigue.