Zubiri itinanggi ang alegasyon ng tampering sa Maharlika Investment Fund bill
Itinanggi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagkaroon ng tampering o pagretoke sa dalawang magka-ibang probisyon sa prescriptive period ng kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Depensa ito ni Zubiri sa mga apela na i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala dahil minadali at hindi napag-aralang mabuti ng Kongreso at mga economic managers ng Palasyo.
Naninindigan ang Senate President na wala silang nalabag na batas nang pag-isahin ang kinukwestyong secton 50 at 51 ng panukala na nagsasaad sa sampu at dalawang taong prescriptive period.
Maaari lang aniyang ma-kwestyon ang isang panukala kung may isiningit o idinagdag na probisyon na hindi naman kasama sa mga tinalakay mula sa committee hearings hanggang sa plenaryo .
“There was no malice or intent or ill intent to tamper as they are saying or amend the measure as long as it is not an enrolled bill, subject to style… that gives the secretariat the power to look and adjust the periods… the wordings,” paliwanag ng Senate President.
Dagdag pa ni Zubirii, marami nang pagkakataon na kahit nakapasa na sa final reading at naratipikahan na sa plenaryo ang isang panukalang batas, may mga isinisingit pa rin na pagbabago o amyenda.
Ilan sa tinukoy ng senador ang inaprubahang AFP Professionalism Law, Anti- Terrorism Act at ang Foreign Investment Act.
Hindi pa naman daw enrolled bill ang MIF na lumusot sa final reading ng Senado at in-adopt ng Kamara kaya pwede pa itong marepaso at ma-amyendahan.
Nagkaroon lang aniya ng pagkakamali dahil madaling-araw na ito na-aprubahan at halos walang tulog ang Senate staff.
Kung pagbabatayan aniya ng transcript at records nang aprubahan ito ng Senado, sampung taon ang napagkasunduang parusa sa mga lalabag.
“No need na ibalik sa plenary, not necessary as far as I’m concerned. Very simple styling correction. Our staff was confused. Honest to goodness error by our staff… there is no malice to change the provisions. Walang liable sa ganun,” paliwanag pa ng mambabats.
Pero sabi ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel patago ang ginawang tampering ng Senado.
Binago aniya ang wordings kaya nabago rin ang substance ng panukala.
Iginiit ng senador na hindi na maaring baguhin ang isang panukala na dumaan sa final reading at ratification dahil ginagawa lang ang corrections kung may magkaibang probisyon sa bicameral conference committee.
“What they did with Maharlika is not usual. It is sneaky tampering. They changed the wording, amounting to changing the substance. Behind closed doors. In Maharlika there was no bicam. The bicam process is actually the last opportunity to amend the differing versions of the house and the senate. Zubiri’s examples there were bicams held. Hence there were amendments because that’s the purpose of the bicam – to “harmonize” differing versions,” pahayag ni Pimentel.
Kinumpirma naman ni Zubiri na may commitment na si House Speaker Martin Romualdez na lalagdaan ang panukala.
Posible rin na maisumite na ito sa tanggapan ng Pangulo pagkatapos ng kanilang nakatakdang LEDAC meeting sa susunod na linggo.
Ipapa-ubaya naman nila sa Pangulo kung lalagdaan o ibi-veto ang panukala.
Ang mahalaga naipasa ito na isa sa mga priority ng Marcos administration.
Meanne Corvera